Construction Boom
- OMM’s Law
Aug. 31, 2018
At muli nating bistayin ang mga buhangin;
Nang masinsin na humiwalay ang bato, bubog at mga sintimyento ng damdamin;
Babakin ang pundasyon na humahadlang sa pagpanaw ng mga dalangin;
Nang sa wakas buong-buong masilayan ang liwanag ng preskong hangin.
Kapag daka’y nalimas na ang mga hangarin;
Simulan namang masahin ang tubig sa buhangin;
Bungkalin ang bagong susuotan ng itatanim na halige;
Kasabay nang pag-aakalang puro ang ibubuhos na insentibo palage.
Isunod ang pagsipat sa swelo ng mga palapag;
Siguraduhing patag at naayon sa sukat;
Di tulad ng mga tiwalang pwedeng tumiwalag;
Parang plumang aandap-andap at mahirap maaninag.
Sunod na Balangkasin naman ang mga hagdanan;
At suriin ang kung nararapat ang planong baitang;
Baka halusinasyon ang sayo ay nag-aabang;
Sapagkat ang arkitekto ay nagtatago sa huwad nyang anino.
Bumuhos bigla ang asidong ulan;
Nakalima ka lang sa planong walong binububungan;
Damdamin mo’y nagbuhos ng sentimyento;
Akala mong simento biglang nalusaw ng asido.
Mga materyales ay hindi nasala ng kumpleto;
Pati plantilya mo ay nawawala na din sa uso;
Palitada, gililan, plantsa at iba pa’y bitak-bitak mong nasalo;
Simula palang pala ay mali na ang asintado.
Kaya ngayo’y naliligaw kung paano;
Umuulan, lumilindol at may mataas na mga daluyong;
Konstruksyon ba’y itutuloy o bubuwagin nalang;
Kasabay ng pagsuko sa mga hangarin sa kawalan.
#InfinitylockEarth
#swellington
#civilworks
No comments:
Post a Comment