header (advertisement)

Tuesday, July 17, 2012

Bayrus ng Hangin


Bayrus ng Hangin
ORVILLE M. MANCILLA

Malamig na hanging humampas sa aking likuran;
Dala nito’y lungkot at sakit sa aking tagiliran;
Bumulong ito ng kwento sa aking kamalayan;
At naghatid ng mensahe sa mga mamamayan;

Mensaheng kay daling intindihin ninuman;
Pupukaw sa iyong imahinasyon at katinuan;
Datapwat masakit na puso ang iyong kahahantungan;
Sapagkat ang mensahe ng hangin ay isang kasinungalingan;

Sumigaw bumulong ang ihip ng hangin;
Kay dali  nitong nasimsim ng pusong malungkutin;
Ngunit layunin nito’y ika’y paikutin;
Upang kalooban mo’y maghinagpis  sa kanyang awitin;

Awiting kikitil sa iyong isipa’t damdamin;
At magkukubli sa maputik na lirika ng kanyang dalangin;
Memorya ng pag-ibig ,pamilya, kaibigan  at mga mahal sa buhay ang lilimasin;
Upang wala ng matira sa iyong puri’t, ikay malasin;

Hanging dalisa’y na iyong pinagkatiwalaan;
Sumira sa iyong mabuting imahe at katinuan;
Lumason at namulitika sa buong sambayanan;
Naghatid ng bayrus sa sangkatauhan.

Ngayo’y nagsisisi ka ,na ika’y nagpadala;
Sa simpleng bulong ng hangin na ngayo’y kanser na;
Kanser na parang tato na kumapit sa iyong katawan;
Hindi na mabura at hindi na rin malimutan;

Kanser na nanuot sa iyong kaloob-looban;
at naging dahilan ng iyong kamatayan;
hanggang sa libinga’y ika’y pinarurusahan;
at hindi tinigilan hanggang sa maagnas ang iyong kawawang katawan;

No comments:

Post a Comment